top of page

WALK FOR PEACE AND COVENANT SIGNING FOR THE BSKE 2023


Sa hangaring makamtan ang tapat at mapayapang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 sa Lungsod ng Cotabato, idinaos ang "Walk for Peace" at pagsasagawa ng "Covenant Signing" ngayong ika-12 ng Oktubre 2023, simula alas-5:30 ng umaga.


Ang pagtitipon ay inorganisa ng Commission on Elections (COMELEC) sa pakikipagtulungan ng Ministry of Interior and Local Government (MILG) Cotabato City Field Office, Cotabato City Public Philippine National Police (PNP), Naval Task Unit (NTU) Cotabato, at City Government of Cotabato.


Ang pagdiriwang ay nagsimula mula sa Bangsamoro Government Center patungo sa People’s Palace, kung saan kasama ang mahigit isang daang kandidato na tatakbo sa BSKE 2023. Kasama rin sa pagmartsa sina PRO BAR Region Director PBGEN Allan Nobleza, MILG Cotabato City Field Office Director Bombet Abutazil, CCPO City Director PCOL Manalang, Jr., NTU Commander Col. Zaldy Dioneda PN(M) GSC, Philippine Coast Guard - BARMM and Maguindanao at Bureau of Fire Protection Cotabato City Fire Station. Kasama rin ang mga kawani at opisyales mula sa COMELEC na pinangunahan ni Cotabato City Election Officer Atty. Norpaisa Paglala-Manduyog.


Sa People’s Palace, nagbigay ng mensahe si Atty. Norpaisa Paglala-Manduyog, kung saan sinabi niya na ang tagumpay ng halalan ay resulta ng pagtutulungan ng lahat ng sektor ng lipunan at hindi magiging posible kung tayo'y magkakahiwalay. Binigyang diin niya ang responsibilidad ng bawat isa sa pagpapalaganap ng integridad at kahusayan sa panahon ng kampanya.


Si Mayor Bruce Matabalao, bilang Punong Ehekutibo, ay buong-pusong sumusuporta sa layunin ng COMELEC na makamtan ang maayos at mapayapang BSKE 2023 sa lungsod. Kanyang ipinapaalala sa mga kandidato ang kahalagahan ng pagsunod sa mga regulasyon para maiwasan ang anumang problema at manalo nang may dangal.


Hindi rin nagpahuli si PRO BAR Region Director PBGEN Allan Nobleza, na pinuri ang aktibidad bilang sagradong okasyon. Nagpahayag siya na lahat ng kandidato ay maglalagda sa isang kasunduan upang magkaroon ng tahimik at tapat na halalan sa darating na Oktubre 30.

Sa huli, isinagawa ang sabayang pagpapahayag ng Integridad Pledge para sa lahat ng nagnanais kumandidato sa BSKE 2023.


Ang programa ay nagtapos sa Signing of Peace Covenant, kung saan kasama ang mga aspiring candidates at iba't ibang miyembro ng mga departamento ng City Government, nagpapatunay ng pagkakaisa para sa isang mithing malasakit sa mga barangay.




4 views0 comments

Comments


bottom of page