Sinimulan na ngayong araw ng City Government of Cotabato ang dalawang araw na programa para sa pinansyal na literasiya, na nakatuon sa 'PalengQR Plus.' Ito ay ginanap sa City Arcarde (Old Market), Cotabato City.
Ang programang ito, na gaganapin sa loob ng dalawang magkasunod na araw, ay naglalayong palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga mamamayan pagdating sa makabagong paraan ng paghawak at pag-unawa sa mga transaksyong pinansyal.
Sa unang araw ng programa, tinalakay ang mga pangunahing konsepto at benepisyo ng PalengQR Plus, isang bagong sistema na nagbibigay-daan sa mas mabilis at ligtas na transaksyon sa mga palengke at iba pang establisyemento gamit ang QR code technology.
"Mahalaga sa lokal na pamahalaan na may sapat na kaalaman at kasanayan sa paggamit ng mga bagong teknolohiya sa pananalapi ang ating mga vendors," sabi ni Mayor para sa Lahat Bruce Matabalao. "Sa pamamagitan ng programang ito, umaasa kami na mas madaling ma-adopt ng mga Cotabatenos ang PalengQR Plus para sa kanilang pang-araw-araw na transaksyon."
Bukas, sa ikalawang araw ng programa, nakatakda ang mas detalyadong talakayan at workshop na magbibigay ng hands-on na karanasan sa paggamit ng PalengQR Plus.
Ang programa ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng pamahalaang lungsod na isulong ang digital na pagsulong at financial inclusion sa kanilang komunidad.
Comentarios