Sampung mga barangay sa Cotabato City ang sabay-sabay na naglinis ng mga kanal sa lungsod sa ilalim ng cash for work program ng Office of Social Welfare and Development Services (OSWDS).
Pasado alas otso nagsimula ang paglilinis na sinimulan sa harapan ng People’s Palace. Unang tinarget ang mga kanal na umaapaw kapag bumabaha. Kwento ng mga cash-for-work beneficiaries na barado ang kanal dahil sa mga basura at mga malagkit na lupat at mga bato.
Ayon sa isang residente ng RH 9, sinabi niya na “dapat lahat tayo nagtutulungan, hindi lang barangay officials. Nakakalungkot na laging naglilinis ang gobyerno at barangay pero walang disiplina ang mga residente ay wala tayong patutunguhan.”
Sinabi naman ni Mayor Para sa Lahat Bruce Matabalao, ang cash for work program ay hindi lamang isang oportunidad para makapagbigay ng trabaho sa mga residente ng lungsod. “Ito ay ginagawa natin bilang paghahanda sa pagsisimula ng tag-ulan at pagbibigay mensahe na rin sa kahalagahan ng disiplina sa pagtapon ng basura,” bigay diin niya.
Commentaires