COTABATO CITY - Dinaluhan ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kabilang si Mayor Para sa Lahat Mohammad Ali "Bruce" Matabalao ang isinagawang National Tax Campaign ng Bureau of Internal Revenue (BIR) RDO 107 - Cotabato City noong Martes, ika-5 sa buwan ng Marso, taong kasalukuyan sa Em Manor Hotel and Convention Center.
Ibinahagi ng alkalde sa isang eksklusibong panayam na sinusuportahan nito ang kampaniya ng BIR lalo pa't iisa sila ng adhikain. Binigyang-diin din nito na kanilang inaasahan na mas tataas pa ang koleksyon ng lungsod dahil sa dami ng mga bagong negosyong nagbukas at bubukas sa taong 2024.
Kamakailan lamang ay umabot sa 107% ang nakolektang buwis ng lungsod noong 2023 na siyang naging dahilan kung bakit nanumbalik bilang "First Class City" ang lungsod. ibinahagi rin nito na ngayong Pebrero ay mataas na ang koleksyon ng lungsod.
Aniya, lahat ng makokolektang buwis ay mapupunta sa mga proyekto na nakapokus sa mga bagong pasilidad na tiyak na ikatutuwa at mapapakinabangan ng mamamayan ng Lungsod ng Cotabato.
Comments