Isinagawa ngayong araw ang pagpupulong ng Anti-Smoking Task Force na kinabibilangan ng iba’t ibang departamento sa Lungsod ng Cotabato sa pangunguna ng City Health Office at katuwang ang Philippine National Police na siyang dinaluhan ni Cotabato City Police Director Col Querubin Manalang sa People’s Palace, April 12, 2023.
Kabilang ang Lungsod ng Cotabato sa mga nakatanggap noon ng Red Orchid Award Hall of Fame mula sa Department of Health na siyang nagsasabing 100% Smoke Free City ang lungsod. Nais ng kasalukuyang administrasyon na masungkit muli ang parangal na ito nang sagayon ay di na mababahala ang mga Cotabatenos sa epekto ng 2nd hand smoke mula sa mga naninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Isa sa mga layunin ng pagpupulong ay maplantsa ang kautusan na magpapatibay sa polisiyang kanilang ipapalaganap sa Lungsod ng Cotabato. Ayon naman kay City Councilor and Chairman on Police Public Order and Safety ng 17th Sangguniang Panlungsod Hon. Abdulkarim “Gabby” Usman, mahalagang maisaayos at mapagtibay ang sistema sa paghuli o pamimigay ng penalty sa mga lalabag sa naturang panukala. Aniya, ito ang susukat kung magiging matagumpay ang kanilang operasyon.
Kasama rin sa kanilang mga napag-usapan ay patungkol sa paggamit at pagbebenta ng vape sa lungsod. Layunin nilang masiguro ang seguridad ng mga gumagamit nito kung kaya’t ang mga nagbebenta ng vape ay dapat aprubado ng Food and Drug Administration (FDA). Isasagawa ito dahil sa mga naglipanang pekeng vape na kadalasang sumasabog na siyang nagbibigay ng peligro sa mga gumagamit nito, lalong-lalo na sa kabataan.
Para naman mas maging epektibo ang operasyon, magbibigay ng hotline ang Anti-Smoking Task Force upang mas mabilis silang makapagresponde at hindi mag-aalangan na magreklamo ang publiko sa mga naninigarilyo sa lungsod. Isa rin sa kanilang naiisip na estratehiya ay ang paglalagay ng tarpaulin at pagkakaroon ng radio announcement patungkol sa pagbabawal nang paninigarilyo sa pampublikong lugar.
Comentarios