Matagumpay na ginanap noong Sabado, 18 March 2023, ang joint City Peace and Order Council (CPOC)-City Anti-Drug Abuse Council (CADAC)-City Disaster Risk Reduction Management First Quarter Meeting sa Crystal Hall, Em Manor Hotel, Cotabato City.
Sa pagpupulong ng iba't ibang mga lokal na ahensya, pinangunahan ito ni Mayor Para sa Lahat Bruce Matabalao, upang harapin ang mga isyu sa banta sa seguridad, anti-illegal drug at gambling operations, drug reformation programs, road clearing activities, at iba pa.
Sa kanyang panimulang mensahe, sinabi ni Mayor Matabalao na ang problema ng lungsod ay hindi lamang ang tanging responsibilidad ng alkalde kundi maging ang mga barangay.
“Ang pinakamalaking tulong ng ating mga Barangay Chairperson ay ang kanilang due diligence. Lahat ng suporta na kailangan ng ating mga barangay ay ibibigay ng City Government. Lahat po ng issues na directly or indirectly na nakakaapekto sa inyong mga barangays o sector, ito ang lugar upang mailabas ninyo,” ayon sa alkade.
Dagdag pa niya, “I am eight months in office, let’s forget the politics and focus on the improvement of the barangays.”
Sa ulat ng Cotabato City Police Director, Colonel Querubin Manalang, ang patuloy na pagbaba ng index at non-index crimes na ginawa sa unang quarter ng taong ito kumpara sa parehong panahon ng nakaraang taon. Dagdag pa niya, medyo kasiya-siya ang peace and order situation sapagkat bumaba ito ng 4.76%.
Binigyang diin din ni City Director Manalang na naging epektibo ang 13 new police outposts na nilagay ng CCPO sa mga estratehiyang lugar sa lungsod at pinasalamatan rin si Mayor Matabalao sa binigay na allowance para sa mga kapulisan na nagkakahalaga ng Php10,000 per outpost.
Samantala, sa ulat naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamagitan ni Asnawi Adil Salik, JD, patuloy sila sa pagproseso ng mga aplikanteng barangay para sa drug-clearing activities. Mula sa 37 barangay sa lungsod, walo na ang idineklarang drug-cleared barangays sa unang quarter ng taon.
Mahigpit ring pinapatupad ang drug-free workplace policies upang matiyak na ang mga lugar ng trabaho ay malaya sa masasamang epekto ng pag-abuso sa droga. Ayon sa Human Resource Management Division (HRMD) ng City Government of Cotabato, sa ginawang mandatory drug testing noong Disyembre 2022, 11 na Contract of service (COS) personnel ang nag positibo sa droga na kung saan hindi nai-renew ang kanilang mga kontrata. Samantala, ini-refer naman ang mga kumpirmadong COS sa Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) nang sila ay matulungan sa pag-iwas sa droga at bigyan ng mga programang tumitiyak sa nagkakaisang pagsisikap na maisakatuparan ang kampanya laban sa ilegal na droga ng pamahalaan sa antas ng komunidad.
Iminungkahi naman ni Oscar Tan Abing, president ng Cotabato Grocers Association, na magsagawa ng mga forum na may kinalaman sa droga sa mga pribado at pampublikong paaralan gayundin sa lahat ng lugar ng trabaho sa lungsod at inaaanyayahan ang PDEA na magsagawa ng drug testing sa lahat ng kanyang mga empleyado.
Para naman sa border control ng lungsod, mahigpit pa rin ang pagbabantay ng Task Force Kutawato kung saan dalawang mga detachments ang nakabantay sa pagpasok at paglabas ng Cotabato City upang maiwasan ang pagpasok ng mga extremist sa lungsod.
Ang City Public Safety Office naman ay mahigpit na nagpapatupad ng lahat ng umiiral na batas at Ordinansa ng Lungsod gayundin ang iba pang mga tuntunin na may kaugnayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Sa kanilang ulat, binigyang diin ni Col. Adam Guiamad (Ret) na may one-time-big-time operation na isasagawa ang CPSO kasama ang City Traffic Management Council, Traffic Enforcement Unit, Land Transportation Office at City PNP sa pagpapatupad ng RA 8795 o Anti-Overloading Act at RA4136 kasama dito ang anti-muffler, illegal parking, illegal terminal, illegal structures at illegal vendors.
Pagdating naman sa usapin ng Jail Management, 272% na ang jail capacity sa lungsod. Ang bilang ng mga kaso na may kaugnayan sa droga sa lungsod bilang isa sa mga dahilan ng paglobo ng populasyon ng mga detenido.
Sa ulat naman ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) sa pangunguna ni CDRRMO OIC Amil Esmael, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng nagkakaisang pagsisikap para maging handa at ligtas ang mga komunidad. Patuloy ang CDRRMO sa pagresponde sa mga emergency at sakuna maging sa labas ng Cotabato City kung saan kailangan ang tulong nila.
Idinagdag niya na ang pagtutulungan ng publiko ay malaki ang maitutulong sa City Government na makamit ang layunin nitong lumikha ng mas ligtas na mga komunidad.
Bilang pagtapos ng 1st Quarter Meeting, hinikayat ni MILG BARMM City Director Mohammad Farzieh Abutazil na patuloy na maging mapagmatyag at agad na mag-ulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga lugar ang mga barangay at dapat na magkaisa at magkapit-bisig ang tungo sa iisang layunin ng pagkamit ng isang Cotabato City na para sa lahat.
Comments